rss

Adm. Harry Harris Komander – Lektura sa IISS Fullerton

English English, Tiếng Việt Tiếng Việt

Lektura sa IISS Fullerton
Fullerton Hotel, Singapore
Oktubre 17, 2017

Salamat, Dr. Huxley, sa magandang pagpapakilala – malaking karangalan para sa akin ang magbigay ng talumpati sa pangkat na ito ng mga bihasang pinuno, dito sa Fullerton Lecture.  Ang inyong mga nagkakaiba-iba at maaalam na opinyon ay bahagi ng ingkubador ng mga ideya na siyang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng rehiyong ito.  Nagpapasalamat ako sa oportunidad na ito upang mapag-usapan ang halaga ng Indo-Asia-Pacific at kung bakit naniniwala ako na ang rehiyong ito ay matibay na kaugnay ng kasaganahan at seguridad ng Estados Unidos, at pati na rin ng daigdig, sa hinaharap.

Bago ako magpatuloy, nais kong kilalanin ang napakalaking tulong ng Singapore nitong nakaraang Agosto sa paghahanap sa mga nawawalang Magdaragat ng Estados Unidos noong nangyari ang trahedya sa USS John S. McCain at sa katangi-tanging pagkabukas-palad at suporta ninyo pagkaraan nito.  Nais kong ipaabot ang aking personal na pasasalamat para sa inyong mga di-hamak at lubusang pagsisikap.  Gusto ko ring kilalanin ang:

  • Internasyonal na Instituto para sa Mga Strategic na Pag-aaral…
  • Mga miyembro ng lupon ng diplomatiko at konsulado…
  • Pamahalaan, pribadong sektor, at mga nangunguna sa akademya…
  • Mga kagalang-galang na panauhin…

Mga kababaihan at kalalakihan, natutulungan tayong lahat ng mga forum na ganito na makapag-isip nang malalim at magsuri ng mga isyung mahalaga sa ating rehiyon, isang bagay na kailangan ng mundo – lalo na ngayong panahon ng agarang balita at mga sound bite na mabababaw lamang ang pagtatalakay – gaya ng 20-minutong talumpati mula sa isang U.S. admiral.

Ngunit dahil alam kong may mga miyembro ng media sa silid, susubukan kong maging makabuluhan, at hindi lamang magandang ipambalita.

Kapag pinag-uusapan natin ang kalahati ng planeta, mahirap ang magsalita lamang nang maikli. Ngunit susubukan kong huwag magpakahaba ng pagsasalita.  May nagsabi sa akin na mas maigi ang iwanan mo ang audience bago iwanan ka ng audience mo.

Bagamat marami ang tumatawag sa lugar na ito bilang Asia-Pacific, mas gusto ko itong tawaging Indo-Asia-Pacific.  Mas nasasalamin ng tawag na ito, sa aking palagay, ang katotohanan na ang Indian Ocean at Pacific Ocean ay ang pang-ekonomiyang daluyan ng buhay na nagdurugtong sa India, Australia, Timog-Silangang Asia, Hilagang-Kanlurang Asia, Oceania, at Estados Unidos.

Nitong nakaraang 70 taon, isa sa pinakamatagumpany na salaysay ang Indio-Pacific.  Sa pagbabago nito nang husto mula noong katapusan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, naging luklukan ito ng tatlong pinakamalaking ekonomiya at pito sa walong pinakamabilis na lumalagong pamilihan sa mundo.

Nasa Indo-Asia-Pacific din ang pito sa 10 pinakamalalaking hukbo, na nangangahulugang ito rin ang nagbibigay-direksyon sa tinatahak ng pandaigdigang seguridad.  Gayunpaman, nakaranas ang rehiyong ito ng deka-dekadang maituturing na kapayapaan at estabilidad.  Nagbigay-daan ang ligtas na kapaligirang ito sa pagyamang walang-kapara sa kasaysayan ng mundo. Sa aking opinyon, naging posible ang salaysay ng tagumpay na ito, sa kalakhan, dahil sa arkitektura ng seguridad sa rehiyon na nakabatay sa mga tuntunin — na suportado ng pitong dekada ng pananatili rito ng Amerikanong militar, at tinutukuran ng mga alyansa at kasosyong panseguridad ng Amerika … gaya ng aming nananataling pakikipagbalikatan sa Singapore.

At pinapaigting namin ang seguridad ng rehiyon sa pamamagitan ng pagpapalalim ng mga partnership sa India, Indonesia, Malaysia, Sri Lanka, Vietnam, at marami pang katulad na ibang bansa na lubusang nagtataguyod sa matagalang, karaniwang batas na pang-internasyonal. Nagdudulog ang mga prinsipyong ito ng pundasyon sa kaayusang pang-internasyonal na batay sa mga tuntuning:

  • ang mapayapang paglutas sa mga pagtatalo
  • ang malayang nabigasyon ng mga barko at eroplanong militar at sibilyan;
  • at ang walang-hadlang na ligal na kalakal

Hindi ito mga prinsipiyong mahirap unawain, at hindi rin ito nakasalalay sa kapritso ng alinmang isang bansa.  Hindi ito mga pribilehiyong ipinagkakaloob o binabawi nang ganoon-ganoon lamang.  May saysay ang mga ito dahil ilang dekada na silang gumagana sa pagpapanatili ng kapayapaan habang lumilikha ng mayayabong na kondisyong pang-ekonomiya na nag-aangat sa higit sa isang bilyong tao mula sa kahirapan.

Kasalukuyang hitik sa oportunidad ang Indo-Asia-Pacific, ngunit puno rin ng hamon ang daan, kasama ang Timog Korea, Tsina, at ISIS.

Ngayon, natatangi ang Hilagang Korea bilang kaisa-isang bansa sa siglong ito na sumubok ng mga sandatang nukleyar.  Pinamumunuan ng isang walang-ingat na diktador ang Pyongyang…isang taong pinahahalagahan ang pagkamkam ng kapangyarihan kaysa sa kaunlaran at kabutihan ng kanyang mga mamamayan.  Isangga ito sa malayang Timog Korea – isang higanteng ekonomiyang puno ng oportunidad na pinamumunuan ng isang pangulong hinalal sa demokratikong paraan.

Ngayon, gusto kong huminto kayo sandali at pag-isipan itong maigi.

Isang mapanganib na sitwasyon ang pinaghalong mga warhead na nukleyar at ballistic na missile sa mga kamay ng isang pinunong may pabago-bagong isip na gaya ni Kim Jong-Un.  At dahil hindi siya takot na mabigo sa mata ng publiko, patuloy lamang na bubuti ang kapabilidad ng Hilagang Korea.

Ngayon, ano ang pasulong na daan?  Aber, malinaw na inihayag nina Kalihim ng Estado Tillerson at Kalihim ng Depensa Mattis na diplomasiya ang ating pangunahing lakas.  Kasama ang marami sa internasyonal na komunidad, gumagamit ang Estados Unidos ng puwersang diplomatiko at pang-ekonomiya upang makamit ang kompleto, napatotohanan at walang-balikang denukleyarisasyon ng Korean Peninsula at ang paglalansag ng mga programang pang-ballistic missile ng rehimen.

Gaya ng sabi ni Kalihim Tillerson pagkatapos ilunsad kamakailan ng Hilagang Korea ang isang ballistic missile na pang-intercontinental, “kailangan ng pandaidigang aksyon upang ihinto ang isang pandaigdigang banta.”  Ang nakaliligalig na asal na ipinapakita ng rehimen ni Kim Jong-Un ay hindi lamang isang pagbabanta sa ating mga kaibigan sa Timog Korea.  Pagbabanta ito sa Tsina; pagbabanta ito sa Russia; pagbabanta ito sa Singapore at sa ating mga ka-alyansa sa Hapon, sa Pilipinas, Australia at Thailand; pagbabanta ito sa Amerika; sa totoo, pagbabanta ito sa buong mundo dahil nakatutok ang mga missile ni Kim Jong-Un sa bawat direksyon.  At ito ang dahilan kung bakit nananawagan tayo sa lahat ng bansa upang maglapat ng mas mahihigpit na mga sanction laban sa Pyongyang.  Ito lang nakaraang buwan, nagkaisang gumawa ng resolusyon ang Sangguniang Panseguridad ng U.N. upang maglapat ng mga bagong sanction sa Hilagang Korea matapos isagawa ang pang-anim at pinakamalaking pagsubok na nukleyar nito. Ako’y matibay na naniniwala na ang bawat bansang tumuturing sa sarili bilang isang responsableng tagapag-ambag sa pang-internasyonal na seguridad ay kailangang tumulong sa pagpapakita kay Kim Jong-Un ng katuwiran, sa pamamagitan ng diplomasya at pamamaraang pang-ekonomiya.

Habang diplomasya ang kinikilingan nating paraan ng pagbabago sa mga aksyon ng Hilagang Korea, it ay diplomasyang sinusuportahan ng lakas-militar.  Ang tungkulin ko bilang komander ng militar ay ang bumuo ng mga may malalakas na kapangyarihang opsyon na ganoon. Maraming tao ang nagsasabing hindi nila lubos-maisip ang mga opsyong militar laban sa Hilagang Korea.

Mga kaibigan, kailangan kong lubusang isipin ang karaniwang hindi lubusang naiisip.  Ang hindi ko lubos-maisip ay ang mga ipadadalang missile na may dulong nukleyar sa Los Angeles, o sa Honolulu, o sa Seoul, o sa Tokyo, o sa Sydney o sa Singapore.

Magpapatuloy akong maghain ng mga opsyong militar kay Pangulong Trump at Kalihim Mattis, habang ginagawa ang lahat ng posible upang mabigyang-diin ang ating pagnanasa sa mapayapang denukleyarisasyon ng Korean Peninsula.  Kabilang dito ang paghiling sa Tsina upang gamitin ang malaking impluwensiyang pang-ekonomiya nito upang mapatigil ang  pagsubok ng Pyongyang sa mga sandata, na bago sa ngayon, ay hindi pa nangyari kailanman.

Isa lamang ang ka-alyansa ng Hilagang Korea – ito ang Tsina, at ganoon din ang kabaligtaran.  90 porsyento ng palitang-kalakal ng Hilagang Korea ay kaugnay sa mga entidad na Tsino. Nangangahulugan ito na sobrang lawak ang impluwensiya ng Beijing sa Pyongyang kung ikukumpara sa iba, na nangangahulugan naman na malaki ang ginagampanan ng Tsina sa mapayapang kahihinatnan sa Korean Peninsula.

Ngunit mga kababaihan at kalalakihan, hindi Tsina ang susi sa bawat kalalabasan.

Kaya kailangan nating magpatuloy sa paghanap ng mapagkakasunduan kasama ang Tsina tungkol sa banta ng Hilagang Korea, kahit na binabatikos natin ang mga mararahas na gawi ng Tsina sa ibang mga lugar.

Ngayon, pag-usapan naman natin ang pangalawang hamon – ang Tsina.

Maaaring may magsasabi na kakatwa na sa una kong sinabi, humihiling ako ng tulong mula sa Tsina tungkol sa Hilagang Korea, at sa kabilang dako naman, tinatawag kong hamon ang Tsina. Ngunit ang wikain ko: kaya ng mga makakapangyarihan ang maglakad habang nagtsu-chewing gum…bagamat hindi sa lugar na pampubliko sa Singapore!

Ang ibig sabihin ko nito, maaari nating purihin ang mga pagsusumikap ng Tsina na tumulong tungkol sa Hilagang Korea — at dapat lang na gawin ito — gaya ng ginawa ni Pangulong Trump nitong nakaraang talumpati niya sa United Nations … kahit na nararapat din nating binabatikos at hinahamon sa paninindigan ang Tsina sa mga aksyon nitong salungat sa mga tuntunin at pamantayang internasyonal.  Sa palagay ko’y maaari nating gawin ang pareho.  Gaya ng sinabi rin ni Pangulong Trump sa kanyang talumpati sa U.N., bilang sipi, “Kailangan nating tanggihan ang mga banta laban sa soberanya, magmula sa Ukraine hanggang sa Timog Dagat Tsina. Kailangan natin itaguyod ang paggalang sa batas, paggalang sa mga hangganan, at paggalang sa kultura at mapayapang pakikipag-ugnayan na dulot nito.” Katapusang sipi.

Naniniwala ako na bilang isang makapangyarihang bansa, kaya ng Tsina ang tanggapin ang mga kritisismo sa isang panig, habang hinaharap naman nito ang anumang suliranin tungkol sa Hilagang Korea, sa kabilang panig.  Gaya ng sinabi ni Kalihim Tillerson at Kalihim Mattis, malakas ang insentibo ng Tsina na pagsikapang matamo ang mga mismong layunin din ng U.S.  Nagbabanta sa seguridad na pang-ekonomiya, politikal at miltar na itinatag ng Tsina sa loob ng maraming dekada ang mga aksyon ng rehimen ng Hilagang Korea at ang bantang paglawak ng tunggaliang nukleyar.  Binabantaan din ng Hilagang Korea ang interes ng Tsina sa kapayapaan at estabilidad sa rehiyon. Mga hakbang patungo sa tamang direksyon ang mga boto ng Sangguniang Panseguridad ng Tsina, ngunit inaasahan at kinakailangan ng rehiyon at ng mundo ang higit pang pagsusumikap ng Tsina tungkol dito.

Nais din naming dagdagan pa ng Beijing ang mga pagsisikap nito sa pagpigil sa mga aksyong nakakapukaw-galit sa Dagat sa Silangang Tsina at sa Dagat sa Timog Tsina, habang bumubuo ang Tsina ng lakas-pandigma at nakakalamang na posisyon sa pagsusumikap na maging soberano ito sa mga pinaglalabanang teritoryong pangkaragatan … kung saan binabago nito ang pisikal at politikal na kalatagan sa pamamagitan ng paglikha at pagmimilitarisa ng mga pulong gawang-tao…kung saan ginagamit nito ang kapangyarihang politikal at pang-ekonomiya upang katkatin ang kaayusang internasyonal na nakabatay sa mga alituntunin.

Isaalang-alang na sa unang bahagi nitong taon lamang, may barkong nangangalap ng intelihensiya ang Tsina na malapit sa Alaska, malapit sa ekslusibong sonang pang-ekonomiya ng Amerika.  Sang-ayon sa batas pang-internasyonal ang galaw na ito ng Tsina, kaya walang pagbatikos tungkol dito.  Gayunpaman nababasa’t nababasa ko sa mga lathalain na patuloy na umaangal ang Tsina tungkol sa ligal at mapayapang kalayaan ng U.S. na magsagawa ng mga operasyong paglalayag sa internasyonal na tubig … at tungkol sa aming paglipad sa internasyonal na himpapawid sa ibabaw ng bansa nito.

Mga kababaihan at kalalakihan, hindi maaari ang ganitong di-pantay na pamantayan. Sa aking opinyon, ipinapakita ng ganitong pamimili ng Tsina kung alin sa mga batas na internasyonal ang susundin at alin ang hindi kung anong uring nasyon ito ngayon at anong uring nasyon ito paglipas ng mga dekada.  Kaya ngayon, isinusulong ko ang realistikong pakikipag-ugnayan sa Tsina — na isinasaalang-alang kung ano ito talaga, at hindi kung ano sana ang ninanais nating maging ito.

Itong nakaraang buwan lang, sinabi ni Chairman ng Pinagsamang Mga Hepe ng Kawani Heneral Joe Dunford sa testimonyang pang-kongreso na magdudulot ng pinakamalaking banta sa Estados Unidos ang Tsina sa taong 2025.  Gayunpaman binisita ni Heneral Dunford ang Tsina kung saan lumagda siya sa isang kasunduuan kasama ang kaniyang mga katapat sa militar upang mapabuti ang komunikasyon at mabawasan ang posibilidaad ng maling kalkulasyon.

Ganyan ang pakikipag-ugnayang realistiko sa Tsina.

Mga kaibigan, may mga taong tumututok sa mga matutunog kong salita tungkol sa Tsina – siguro, maganda itong gawing headline.  Subalit noon pa ma’y naniniwala ako at binibigyang-diin ko na hindi natin dapat hayaang maging balakid sa pag-unlad sa mga bagay na pinag-sasang-ayunan ng U.S. at Tsina ang mga bagay na hindi pinagsasang-ayunan namin.  Sa aking opinyon, ang Estados Unidos — kung tutuusin, lahat ng bansa sa Indo-Asia-Pacific — ay kailangang makipagtulungan sa Tsina kung saan man ito magagawa.  At kailangang magsimula ang pundasyon ng kooperasyong ito sa batas na internasyonal.

Ako’y natuwa nang nakita kong maraming pag-uusap ang nangyayari sa pagitan ng U.S. at Tsina nitong nakaraang mga buwan.  Malawak ang saklaw ng mga paksa sa pag-uusap na ito, kasama ang diplomasya, ekonomika, edukasyon, pag-unlad ng lipunan, kultura, pagpapatupad ng batas, at cybersecurity.  Inaangat ng mga pagsisikap na ito ang aming mga pakikipag-ugnayang diplomatiko at pang-depensa, at tumutulong itong paliitin ang aming mga di-pagkakasunduan at palawakin ang aming kooperasyon.

Para sa PACOM, nananatili ang layunin kong kumbinsihin ang Tsina na ang pinakamagandang kinabukasan nito ay nanggagaling sa kooperasyon at makabuluhang partisipasyon sa kasalukuyang kaayusang internasyonal na batay sa mga tuntunin, at sa pagtupad nito sa mga commitment nitong internasyonal.  Gayunpaman, malinaw at malakas ko ring sinasabi na hindi namin papayagang isara mula sa isang panig lamang ang mga pinagbabahaginang domain. Makikipagtulungan kami kung saan maaari, subalit mananatili kaming handang humarap kung saan kinakailangan.

At ngayong ang pangatlong hamon — at iyan ang ISIS.

Nitong nagdaang taon, nasaksihan nating ang mga terorismong binigyang-inspirasyon ng ISIS sa Malaysia, Bangladesh, at sa Pilipinas. Nandito ang ISIS sa Indo-Asia — at malinaw na isa itong bantang kailangang malupig.

Ang pagngunahing heograpikong tinututukan ng mga pagsisikap ng ating koalisyong militar, at nararapat lang, ay nasa Gitnang Silangan at Hilagang Africa. Subalit habang nagtatagumpay tayo sa pagsugpo sa ISIS sa Iraq, Syria, at Libya, naghahanap naman ng mga bagong pagpupugaran sa Indo-Asia-Pacific ang mga teroristang nagawang-radikal, naging sandatahan at napaalis.

Sa kasamaang-palad, ngayon mismo, nakita natin itong nagbunga sa Timog Pilipinas sa Mindanao, kung saan, noong 2016, si Isnilon Hapilon, ang komander ng Grupong Abu Sayyaf — isang teroristang organisasyon sa Pilipinas –ay tinaguriang emir ng ISIS ng Timog-Silangang Asia.

Kahapon lang, nakatanggap kami ng pangunang balita na napatay si Hapilon, kasama ang isang mataas na lider ng militar na ka-alyansa niya, sa pamamagitan ng pinakahuling pagsisikap ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na mabawi ang siyudad ng Marawi.  Napakagandang balita nito.

Gayunpaman, mahalagang maintindihan ang pag-angat ni Hapilon sa 2016, kung saan sa loob lamang ng ilang buwan ay nasimulan niyang pag-isahin ang mga elemento ng sukdulang mararahas na organisasyon — at nakapagbuo siya ng isang koalisyon sa ilalim ng bandilang itim ng ISIS.

Gumagamit ang mga teroristang ito ng mga taktikang panglaban na nakita namin sa Gitnang Silangan upang pumatay sa siyudad ng Marawi sa Mindanao.  Ito ang unang beses na nagsama-sama ang mga puwersang nabigyang inspirasyon ng ISIS upang lumaban nang ganito kalaki sa rehiyong ito.

Pamukaw at sigaw ng pagtawag sa pagkakaisa para sa bawat bansa ng Indo-Asia-Pacific ang Marawi.  Ipinapasa ng mga banyagang manlalaban ang kanilang idelohiya, mapagkukunan at pamamaraan sa mga radikal na lokal, katutubo at mula sa susunod na henerasyon.  Kailangan nating pigilan ang ISIS sa harap nito at hindi sa likod, kapag ang banta ay lalo pang mas mapanganib.

Ngunit hindi namin ito kayang gawin mag-isa.  Sa pamamagitan lamang ng kolaborasyong multinasyonal natin maaalis ang kalabang ito ng sangkatauhan bago pa ito lalong kumalat sa rehiyong ito.

Mga kababaihan at kalalakihan, habang ako ang komander ng PACOM, idinidiin ko ang pangangailangang pagtibayin ang mga partnership ng maraming bansa. – o ang tinatawag kong “partnership na may layunin.” Isinusulong ng mga partnership na ito ang mga interes na pambansa upang lumagpas ang mga ito sa hangganan ng lumang modelong may gitna at may mga rayos ng gulong.  Nakabatay ang mga ito sa mga magkakaparehong pinahahalagahan at pag-aalala ng mga bansa.

Ang mga multinasyonal na ugnayan ay nakadaragdag sa nakabubuting puwersa sa buong mundo at nakapag-aambag sa mas malakas at mas matibay na arkitekturang pang-seguridad.  Kaya dapat tayong humanap ng mga oportunidad upang magtulong-tulong tungkol sa mga mahalagang isyung nakaaapekto sa ating lahat … mga oportunidad sa kolaborasyon upang pigilan ang mga bawal na trafficking, mapabuti ang seguridad na pangkatubigan, mapaunlad ang kahandaan sa pagtulong sa oras ng sakuna, at magapi ang mga Sukdulang Mararahas na Organisasyon.

Sa maraming mga pagkakataon, nakikita nating gumagawa ng kriminalidad ang mga terorista at mga insurektong organisasyon para pondohan ang kanilang mga cell at mga may tina-target na pag-atake.

Ang pandaigdigang kalikasan ng trafficking ay nangangahulugang maaaring nagsimula sa kabilang sulok ng mundo ang mga suliraning umiiral sa Indo-Asia-Pacific, at ganoon din ang kabaligtaran nito.  Magkakaugnay ang ating mundo, gayundin ang sa kanila…kaya mahalagang magtulong-tulong tayo upang alamin ang ating mga magkakatulad na suliranin, at labanan ang mga ito nang sama-sama kung saan natin kaya.

Ang seguridad na pangkatubigan ay isa pang paksa na sa tingin ko ay dapat nating pagtuunan ng pansin.  Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon at pagsusuri kasama ang mga katuwang na pambansang nagpapatupad ng batas o mga opisyal ng seguridad, malalabanan natin ang mga masasamang kriminal at mga teroristang organisasyon bilang mga pandaigdigang tagapangalaga ng kapayapaan at kaunlaran.

Isang halimbawa para sa ideya ng partnership na mayroong layunin ang pamumuno ng Singapore sa pagpuksa sa pamimirata at mga krimeng pangkaragatan sa Strait ng Malacca.  Pinalalalim pa ng Malaysia, Indonesia, at ng Pilipinas ang kooperasyon sa isa’t isa upang labanan ang rehiyonal na pamimirata at nauugnay na kidnap-for-ransom sa Dagat ng Sulu.

Ang mga pagsusumikap sa pagtutulungan sa di-napapamahalaaang malaking lugar na ito ng pagtutubigan na nagdudugtong dito sa tatlong nasyon at sa kanilang libo-libong pulo ay tutulong na pagkakait sa mga teroristang ito ng espasyo para sa paggalaw, pagre-recruit at daloy ng kita.

Isa pang oportunidad para sa multinasyonal na pakikipagtulungan ay ang makataong ayuda at pagtulong sa oras ng sakuna … isang paksa kung saan mapagsasang-ayunan nating mahalaga para sa mga magkakaibigan ang pagtulong sa isa’t isa sa oras ng kanilang pangangailangan …

mga kaibigang katulad ng Singapore na nag-ambag ng tulong na pang-militar at sibilyan, mga asset, pondo at mga supply bilang tugon sa maraming napapanahong mga pantaong krisis sa buong mundo.

Nagsisilbing makapangyarihang halimbawa ang Singapore sa kung ano’ng kaya nating marating kapag nagtulong-tulong tayo.  Sa mga nakaraang buwan, sumuporta sila sa pagtulong sa oras ng sakuna nang bumaha ng mabigat ang gumuho ang lupa sa Sri Lanka…nag-airlift ng mahahalagang mga kagamitan at mga supply matapos ang pagsalanta ng Hurricane Harvey sa silangang mga bahagi ng Texas sa Estados Unidos…at nang nitong nakaraang linggo lamang ay nagpadala sila ng suporta sa mga refugee ng Rohingya sa Bangladesh.

Mga kasama, kailangan natin ang lahat ng tulong na makukuha natin dahil nananatiling pinakamadalas na pinangyayarihan ng sakuna ang rehiyon ng Indo-Asia-Pacific sa buong mundo.  Nangangailangan ang isang matatag na rehiyon ng multinasyonal na kooperasyon upang mabigyan ng solusyon ang pagdalas ng mga natural na sakuna.

Hindi tayo nagkukulang sa paalala sa pangangailangan sa ganitong uri ng pagtutulungan. At ang pinakamainam na oras sa paglinang ng mga ugnayang ito ay bago pa man ito hingiin ng mga pandaigdigang pangyayari.

Sa ngayon, ang mga rehiyonal na mekanismong diplomatikong katulad ng ASEAN Regional Forum at Defense Minister’s Meeting-Plus ay nangunguna sa pagpaplano at pagpapagaan ng sakuna, at nakakapagbigay ito ng magagandang mga oportunidad upang magbahagi ng magagandang gawain at upang mapaunlad ang koordinasyon sa pagtulong sa oras ng sakuna. Nakapagtatatag ng kapasidad ang mga forum na ito.  Itinataguyod ng mga ito ang tiwala sa isa’t isa, at pinauunlad ng mga ito ang estabilidad at kooperasyon sa buong mundo.

Ang huling oportunidad na nais kong talakayin ngayong gabi ay ang pagpigil sa sukdalang karahasan o ekstremismo.  Ang terorismo, ekstremismo, at radikalisasyon ay pandaigdigang pasakit na dapat labanan, at dapat maalis ang mga kuta ng terorista sa bawat bahagi ng mundo … ito ay isang bagay na masusuportahan nating lahat.

Ang mga bayolenteng ekstremistang organisasyon, kasama ang mga manlalaban na bumabalik sa rehiyong ito mula sa Middle East, at mga lokal na indibidwal na ginawang radikal ng mga ideyolohiyang mayroong masasamang hangarin, ay naghahangad na magkaroon ng teritoryo sa Timog Silangang Asia.  Upang puksain ang kanser na ito, dapat tayong makipagtulungan sa mga bansang mayroong parehong kaisipan dito sa rehiyon at sa buong mundo.
Nasa panganib ang pangmatagalang rehiyonal na seguridad at kaunlaran.  Kailangan lamang nating makita ang mga kaguluhan at karahasang nararanasan ng ating mga kaibigan sa Gitnang Silangan upang malaman kung bakit kailangan nating kumilos nang mabilis at tulong-tulong para bigyan ng solusyon ang mga banta sa ating rehiyon.  Upang maging matagumpay ang ating mga pagpupursigi sa pagpigil ng terorismo, kailangan nating pag-isahin ang ating mga pagsisikap – na pinalalakas ng moral na kalinawan, politikal na pagkukusa, at walang-palyang   commitment upang buong maibahagi ang mahirap at mapanganib na gawaing kinakailangan nito.

Nakipagtulungan ang U.S. sa mahigit 70 na kaagapay sa koalisyon, kasama ang maraming mga bansang pinangangatawanan dito ngayong gabi, upang talakayin ang terorismo mula sa lahat ng anggulo, upang malansag ang mga kaugnayan nito at upang pigilan ang mga pandaigdig na ambisyon nito..

Sama-sama nating tinatalakay ang kanilang ekonomikang imprastraktura at pagpopondo, na pipigil sa daloy ng mga manlalabang terorista sa mga border, at maglalantad sa kanilang mapanirang naratibo.  Lahat tayo ay mayroong tungkulin sa pagpuksa ng terorismo at sumusuporta sa inyo ang U.S. sa pagkondena at pagharap dito.

Napakalaking sakop ito na kailangang talakayin. Medyo matagal na rin akong nakatayo dito, at sana, nabigyan ko ang bawat isa sa inyo ng bagay na dapat pag-isipan.  Tatapusin ko na ito sa isang hamon bago tumanggap ng ilang mga katanungan.
Naniniwala akong parating na tayo sa isang puntong impleksyon ng kasaysayan.  Hindi tayo dumarating sa kahit anong kahalintulad ng pagtatapos ng kasaysayan.  Ang kalayaan, hustisya, at sistemang mayroong sinusunod na mga tuntunin ay nakapatong sa balanse.  At hindi bababa ang eskala sa simpleng paghiling natin na mangyari ito.

Kaya, simple lamang ang hamon ko sa inyong lahat: huwag maging pasibo.

Lahat kayo ay mayroon ng tinatawag kong “skin in the game.”  Patuloy na umuunlad ang ating mga ekonomiya dahil ang ating kolektibong respeto at pagsunod sa internasyonal na mga patakaran at mga standard ay nakalikha ng pinakamahabang era ng kapayapaan at kasaganahan sa modernong panahon.

Ang mga kalagayang ito ay hindi biglaang nangyari.  Sa aking opinyon, ginawa silang posible ng isang pundamental na pag-unawa at pagtatalaga ng sarili kaagapay ng mga bansang mayroong parehong kaisipan, upang malinang ang mga prinsipyadong network ng seguridad base sa alituntunin ng internasyonal na batas.

Nakikinabang ang lahat ng ating mga bansa sa rehiyon na nagpapanatili ng seguridad, katatagan, at ng kalayaang kailangan para sa kasaganahan … isang rehiyon kung saan ang bawat bansa ay nakakakuha ng seguridad kasama ng iba pa.  Dapat tayong makipagtalakayan nang maayos, mag-isip nang kritikal, at maghikayat ng multilateral na pagtalakay sa mga multinasyonal na suliranin.  Dapat tayong sumandal sa ating kolektibong karunungan sa pagsusuri ng mga isyu na nakaaapekto sa mga rehiyonal na stratehiya at nakapagpapaunlad ng kooperasyon sa seguridad.

Walang isang gobyerno, kahit pa gaano kataas ang kapangyarihan nito, ang makagagawa ng mga depinitibong solusyon nang mag-isa.  Ang pagsiguro sa napakaraming mga kapabilidad na pinangangatawanan ng bawat bansa dito ngayon ay ang ating prayoridad.  Sasabihin kong isa itong pangangailangan upang matagumpay na mabigyan ng solusyon ang mga transnasyonal na banta sa buong rehiyon ng Indo-Asia-Pacific.

Matatag kong pinaniniwalaan, ngayon higit pa sa kailanman, na ang pandaigdigang seguridad at kasaganahan sa ekonomiya ay tunay na nauugnay sa Indo-Asia-Pacific.  At ang hinaharap ng rehiyong ito ay nangangailangan ng multinasyonal na pagtutulungan, kung saan ang mga malalaking bansa at mga maliliit na bansa at ang lahat ng mga bansa sa pagitan ay magiging maunlad sa internasyonal na kaayusang nakabatay sa mga tuntunin.

Nangangailangan ng multilateral na mga solusyon ang mga hamon sa pandaigdigang seguridad. Kaya ang oras ng pagkilos ay ngayon.

Mga kababaihan at kalalakihan, inaasahan ko ang pagpapatuloy ng mga usaping tumatalakay sa kung paano natin mapalalalim ang ating mga ugnayan, habang nagtutulungan tayo upang panatilihing ligtas ang rehiyong ito, upang panatilihing masagana ang rehiyong ito, at upang panatilihing mapayapa ang rehiyong ito.  Maraming salamat at inaasahan ko ang inyong mga katanungan.

###

Ibinibigay ang pagsasaling ito bilang isang serbisyo at ang orihinal na pinanggalingang Ingles lamang ang dapat na isaalang-alang bilang awtoritatibo.


Ibinibigay ang pagsasaling ito bilang isang serbisyo at ang orihinal na pinanggalingang Ingles lamang ang dapat na isaalang-alang bilang awtoritatibo.
Mga Update sa Email
Mangyaring ibigay ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa ibaba para makapag-sign up para sa mga update o para maakses ang iyong kagustuhan sa pag-subscribe.