rss

Mga Salita Ni Pangulong Trump Sa National Assembly Ng Republic Of Korea

English English, العربية العربية, Français Français, हिन्दी हिन्दी, Português Português, Русский Русский, Español Español, اردو اردو, 中文 (中国) 中文 (中国), Malay Malay, Tiếng Việt Tiếng Việt

Ang White House
Opisina ng Press Secretary
Para sa Madaliang Paglabas
Ika-8 ng Nobyembre, 2017
National Assembly Building
Seoul, Republic of Korea

 

 

PANGULONG TRUMP:  Assembly Speaker Chung, mga kagalang-galang na kasapi ng katipunang ito, sa inyong lahat:  Salamat sa pambihirang karangalang makapagsalita sa magandang lugar na ito at makapagtalumpati sa harap ng inyong kababayan sa ngalan ng mga mamamayan ng Estados Unidos.

Sa maikling panahon ng pamamalagi sa inyong bansa, kami ni Melania ay namangha sa mga sinauna at modernong mga kahanga-hangang bagay nito, at kami ay taos-pusong nagpapasalamat sa inyong magandang pagbati sa amin.

Kagabi, ipinakita sa amin nina Pangulo at Unang Ginang Moon ang napakainit na pagtanggap sa sa pamamagitan ng isang masarap na salu-salo sa Blue House. Nagkaroon kami ng produktibong talakayan tungkol sa umiigting na pagtutulungan ng militar at bumubuting ugnayang pangkalakalan sa pagitan ng ating mga bansa sa simulain ng katarungan at pagkakatugunan.

Sa pamamagitan ng pagbisitang ito, ikinagagalak at ikinararangal namin na gawin at ipagdiwang ang mahabang pagkakaibigan ng Estados Unidos at Republika ng Korea.

Naging matatag ang alyansa sa pagitan ng ating mga bansa, at naging malakas din ito dahil sa mga pagsubok ng kasaysayan. Mula sa mga paglapag sa Incheon hanggang sa Pork Chop Hill, magkasamang lumaban, nagsakripisyo, at nanalo ang mga sundalong Amerikano at Koreano.

Halos 67 taon na ang nakalipas, noong tagsibol ng 1951 nang nakuha nila ulit ang lungsod kung saan tayo masayang nagtitipon ngayon. Ito ay ang pangalawang beses sa loob ng isang taon kung saan ang ating pinagsanib na puwersa ay nagbuwis ng maraming buhay upang mabawi ang kabisera mula sa mga komunista.

Nakipagsapalaran ang mga kawal sa mga matatarik na bundok at mga madudugong labanan sa paglipas ng mga linggo at buwan. Kahit na may mga panahon na sila ay pinaatras, nilayon nilang sumugod pahilaga upang maitaguyod ang guhit na ngayon ay ang naghihiwalay sa mga api at mga malaya. Mula noon, nagtutulungan hanggang ngayon ang mga kawal ng Amerika at South Korea upang maipagtanggol ang linyang iyan sa halos pitong dekada. (Palakpakan.)

Higit 36,000 Amerikano ang namatay sa Korean War at higit 100,000 ang malubhang sugatan

Sa kaalaman ng buong mundo, may himalang nangyari sa timog na bahagi ng tangway na ito sa mga sumunod na dalawang henerasyon. Binuo ng pami-pamilya, bawat lungsod at mamamayan ng South Korea ang bansang ito upang maging isa sa pinakadakilang bansa sa mundo. At pinupuri ko kayo. (Palakpakan.) Sa maikling panahon, umangat ang South Korea mula sa pagkakawasak hanggang sa pagiging isa sa pinakamayamang bansa sa buong mundo.

Ngayon, ang inyong ekonomiya ay higit na malaki ng 350 beses kumpara noong 1960. Lumago ang kalakalan ng 1,900 beses. Ang buhay ng isang tao ay humaba mula 53 taon sa 82 taon ngayon.

Katulad ng Korea, at mula nang ako ay mahalal isang taong nakalilipas, ako ay kasama ninyong nagdiriwang. (Palakpakan.) Dumaranas din ang Estados Unidos ng isang himala. Narating ng aming stock market ang pinakamataas. Nasa 17-year low ang unemployment. Natatalo namin ang ISIS. Pinapakalakas namin ang aming hudikatura, kasama na ang matalinong Punong Mahistrado ng Korte Suprema, at iba pa.

Kasalukuyang nakahimpil sa paligid ng tangway na ito ang tatlo sa pinakamalalaking aircraft carriers sa mundo na  nagtataglay ng napakalupit na F-35 at F-18 na fighter jets. Bukod diyan, maayos ang pagkapuwesto ng aming mga submarinong nuklear. Sa ilalim ng aking administrasyon, lubos na pinaghuhusay ng Estados Unidos ang kanyang hukbo at gumagastos ng ilang daang bilyong dolyares para sa pinakabago at pinakamagandang kagamitang militar sa buong mundo. Hinahangad ko ang kapayapaan sa gitna ng kalakasan. (Palakpakan.)

Tinutulungan namin ang Republika ng Korea higit pa sa mga nagawa ng ibang bansa. Sa magpahanggang wakas, pagsusumikapan namin ang mga bagay higit pa sa mauunawaan o mapapahalagahan ninuman. Batid ko na magiging tapat na kakampi ang Republika ng Korea, na naging isang napakahusay na bansa, nang pangmatagalan sa hinaharap. (Palakpakan.)

Inspirasyon talaga ang naitatag ninyo. Ang pagbabagong ng inyong ekonomiya ay nakaugnay sa pampulitika. Ipinaglaban ng inyong mga dakila, nakapangyayari, at malayang mamamayan ang karapatang pamunuan ang sarili nila. Tiniyak ninyo ang malayang halalang pamparlyamentaryo noong 1988, kasabay kung kailan kayo ang punong-abala sa inyong unang Olympics.

Kinalaunan, hinalal ninyo ang unang sibilyang pangulo sa higit na tatlong dekada. Nang humarap sa krisis pinansyal ang republikang napagpunyagian ninyo, sama-sama kayong nagbigay ng mga mahalagang ari-arian, ang mga singsing na pangkasal ninyo, mga mana, mga gintong “susi ng suwerte” – para maibalik ang pangako ng magandang kinabukasan ng mga anak ninyo. (Palakpakan.)

Ang kayamanan niyo ay nasusukat hindi lamang sa salapi – nasusukat ito sa mga naabot ng talino at diwa. Sa mga nakalipas na dekada, nakagawa ng maraming kamangha-manghang bagay ang inyong mga siyentipikong inhinyero. Nalagpasan ninyo ang mga hangganan ng teknolohiya, nanguna sa mga kahima-himalang paggagamot, at sumibol bilang mga pinuno sa pagbukas ng mga misteryo ng ating sandaigdigan.

Halos 40,000 aklat ang isinulat ng mga Koreaong manunulat ngayong taon. Pinupuno ng mga Koreanong musikero ang mga concert halls sa buong mundo. Nagtatapos ng kolehiyo ng may pinakamataas na marka ang mga batang Koreanong mag-aaral. At kilala bilang isa sa pinakamagagaling sa mundo ang mga Koreanong golfer. (Palakpakan.)

Sa katunayan – alam ninyo na ang sasabihin ko – ginanap sa taong ito ang Women’s U.S. Open sa Trump National Golf Club sa Bedminster, New Jersey, at nagkataong ito ay napanalunan ng isang magaling na Korean golfer, si Sung-hyun Park. Pang-walo sa sampung pinakamagagaling na manlalaro mula sa Korea. At ang apat na nangugunang mga golfer –isa, dalawa, tatlo, apat—ang apat na nangugunan ay mula sa Korea. Congratulations. (Palakpakan.) Congratulations. At ang lupit niyan. Ang lupit talaga niyan.

Dito sa Seoul, ang mga kamangha-manghang arkitektura katulad ng Sixty-Three Building at Lotte World Tower – napakaganda – ay nagpapaganda sa alapaap at nagsisilibing gusali sa mga manggagawa ng mga umuunlad ng industriya.

Ang mga mamamayan ninyo ngayon ay nagpapakain sa mga nagugutom, lumalaban sa terorismo, at lumulutas ng suliranin sa buong mundo. Sa paglipas ng ilang buwan, tatanggapin ninyo bilang panauhin ang mundo at magiging kahanga-hanga ang inyong pang-23 na Olympic Winter Games. Good luck sa inyo. (Palakpakan.)

Ang himalang gawa ng Koreano ay umaabot hanggang sa hangganan na 24 na milya sa hilaga, kung saan nagsama-sama upang lumaban ang mga hukbo ng mga malayang bansa noong 1953. Doon nagtatapos; doon natitigil. Hanggang doon lang ang ginhawa at nakakalungkot na magsisimula ang bilangguang estado ng North Korea.

Nagtatrabaho sa ilalim ng hindi makayanang kalagayan na halos walang kabayaran ang mga manggagawang Korean mula sa hilaga. Kamakailan, inutusan ang lahat ng manggagawa na magtrabaho nang 70 sunud-sunod na araw, kung hindi, kailangan nilang magbayad para sa isang araw ng pahinga.

Nakatira ang mga pamilya sa mga tahanang walang tubig, at higit kaunti sa kalahati ay may kuryente. Sinusuhulan ng mga magulang ang mga guro sa pag-asang mailigtas mula sa sapilitang pagtatrabaho ang kanilang mga anak. Higit sa isang milyong North Korean ang namatay sa taggutom noong 1990, at marami pa rin ang namamatay dahil sa gutom.

Halos 30% sa mga batang nasa gulang na lima pababa ay hindi tumatangkad dahil sa malnutrisyon Gumastos ang gobyerno ng tinatantiyang $200 milyon noong 2012 at 2013 – o halos kalahati ng perang dapat inilaan para sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga mamamayan sa halip sa pagpapagawa ng mga monumento, gusali, at rebulto para luwalhatiin ang kanilang mga diktador.

Ang natitira sa kakarampot na ani ng ekonomiya ng North Korea ay ipinamamahagi ayon sa nakikita nilang katapatan sa isang baluktot na rehimen. Sa halip na bigyan ng patas na halaga ang mga mamamayan nila, sinusukat at hinahanay sila sa hindi makatwirang dahilan ng kanilang katapatan sa estado. Ang mga may pinakataas na sukat ng katapatan ay pinapahintulutang tumira sa kabisera. Ang mga may pinakamababang tala ay hinahayaang magutom. Ang pinakamaliit na pagkakamali tulad ng hindi sinasadyang pagdumi ng larawan ng tirano na nakalimbag sa itinapong pahayagan, pwedeng mawasak ang social credit rank ng kanyang buong pamilya nang maraming dekada.

Ang humigit-kumulang 100,000 North Korean ay nagdurusa sa mga kampo, nagpapakahirap sa sapilitang pagtatrabaho, at tinitiis ang labis na pagpapahirap, pagkamatay sa gutom, paggagahasa, at pagpatay.

Sa kaalaman ng nakararami, ikinulong ang isang siyam na taong gulang na bata sa loob ng 10 taon dahil inakusahan ng pagtataksil ang kanyang lolo. Bukod dito, isang mag-aaral ay ginulpi sa paaralan dahil nakalimutan niya ang isang maliit na detalye tungkol sa buhay ni Kim Jong-Un.

Dinukot ng mga sundalo ang mga dayuhan at ipinilit magturo ng wika para sa mga espiya ng North Korea.

Sa bahagi ng Korea na naging kuta ng Kristiyanismo bago ng digmaan, hinuhuli, pinaparusahan, at sa maraming pagkakataon, pinapatay ang mga Kristiyano at mga nananalig na nahuhuling nagdarasal o humahawak ng anumang pangrelihiyong aklat.

Inuutusang ipalaglag ang mga buntis na North Korean na tinuturing nilang higit na mababang uri. Kung iluluwal ang mga sanggol, sila ay pinapatay.

Ang sanggol ng isang babae sa isang Tsinong ama ay dinarakip at nilalagay sa isang balde. Sinasabi ng mga guwardiya na “walang karapatan na mabuhay ito dahil hindi ito dalisay.”

Bakit iisipin ng China na obligasyon nitong tulungan ang North Korea?

Lubos ang malagim na buhay sa North Korea kaya sinusuhulan ng mga mamamayan ang mga opisyal sa gobyerno upang maipuslit sila sa labas ng bansa bilang mga alipin. Higit na gugustuhin nilang maging alipin kaysa mamuhay sa North Korea.

Isang krimeng pinaparusahan sa pamamagitan ng kamatayan ang tangkang pagtakas. Nasambit ng isang taong nakatakas, “Kapag naiisip ko ito ngayon, hindi ako tao noon. Mas para akong hayop kaysa sa tao. Nalaman ko lang ang totoong kahulugan ng buhay pagkatakas ko mula sa North Korea.”

Kaya, sa tangway na ito, nakita natin ang mga bunga ng mga masasamang experimento sa laboratoryo ng kasaysayan. Ito ay isang kuwento ng isang sambayanan, pero dalawang Korea. Ang isang Korea kug saan malayang namamahala ang mga mamamayan sa kanilang mga buhay at bansa, at pumili ng isang kinabukasan ng kalayaan at hustisya, ng sibilisasyon, at natatanging tagumpay. At isang Korea kung saan ikinukulong ng mga pinuno ang mga mamamayan sa watawat ng paniniil, pasismo, at pang-aapi. Hindi na kailangang paghirapang isipin pa ang bunga ng experimentong ito.

Nang nagsimula ang Korean War noong 1950, ang dalawang Korea ay halos magkapantay sa GDP per capita. Ngunit noong 1990, nilagpasan ng kayamanan ng South Korea nang higit sa sampung beses ang North Korea. At ngayon, mas malaki ng 40 beses ang ekonomiya ng South Korea. Nag-umpisa kayo ng sabay noon, at ngayon mas malaki kayo ng 40 beses. Maganda ang ginagawa ninyo.

Kung tutuusin ang paghihirap na idinulot ng diktatorya ng North Korea, hindi nakakagulat na napilitan itong gumawa ng desperadong paraan upang pigilang maintindihan ng mga mamamayan nito ang napakalupit na pagkakaiba.

Dahil kinakatakutan ng rehimeng ito ang katotohonan sa kabila ng lahat, ipinagbabawal nito ang kahit anong pakikitungo sa labas ng bansa. Hindi lang talumpati ko ngayon, pero kahit ang mga pinakakilalang mga katotohanan tungkol sa buhay sa South Korea ay ipinagbabawal na kaalaman sa mga mamamayan ng North Korea. Ipinagbabawal ang mga tugtuging mula sa kanluran at sa South Korea. Parusang kamatayan ang katapat ng pagmamay-ari ng dayuhang pahayagan. Naniniktik ang mga mamamayan sa kapwa mamamayan, pwedeng pasukin ang kanilang tahanan nang walang pahintulot anumang oras, at bawat kilos ay minamatyag. Sa halip ng isang buhay na buhay na lipunan, binubuhusan ng state propaganda araw-araw ang mga mamamayan ng North Korea.

Ang North Korea ay isang bansang kontrolado bilang isang kulto. Sa gitna ng kultong militar ay isang nakakabaliw na paniniwala na ang tadhana ng pinuno ay mamuno bilang tagapagtanggol ng isang nasakop na Korean Peninsula at mga inaliping Koreano.

Habang higit na nagiging maunlad ang South Korea, higit mong napapapgpasiyahan na sirain ang madilim na pantasya ng rehimeng Kim.

Sa paraang ito, binabalaan ng lumalagong republika ng South Korea ang pananatili ng diktatorya sa North Korea.

Isang buhay na patunay ang lungsod at ang pagpupulong ito na isang malaya at nagsasariling Korea lamang ang makakatayo nang matibay, nagsasarili at dakila kasama ang ibang mga bansa sa mundo. (Palakpakan.)

Ang lakas ng isang bansa ay hindi nanggagaling sa huwad na karangalan ng isang diktador. Nanggagaling ito sa tunay at makapangyarihang kaluwalhatian ng isang malakas na lipunan – ang mga mamamayan ng Republic of Korea – mga mamamayan ng Korea na malayang namumuhay, umuunlad, nanampalataya, nagmamahal, nagtataguyod, at gumawa ng kanilang tadhana.

Sa Republikang ito, ginawa ng tao ang hindi kayang gawin ng sinumang diktador – naging responsible kayo para sa inyo mga sarili at kinabukasan sa tulong ng Estados Unidos. May pangarap kayo – isang Koreanong pangarap – at ang pangarap na iyan ay ginawa ninyo isang katotohanan.

Dahil dito, gumawa kayo ng himala sa Hahn na nakikita natin sa ating kapaligiran, mula sa nakamamanghang kalangitan ng Seoul hanggang sa kapatagan at kabundukan ng magandang tanawin. Malaya niyo itong nagawa, nagawa niyo ito na may ligaya at sa inyong sariling magandang paraan.

Itong katotohanan – itong kahanga-hangang lugar – ang inyong tagumpay ay ang pinakamalaking sanhi ng pagkabahala, pangamba at ng takot para sa rehimen ng North Korea. Ito ang dahilan kung kaya’t ang rehimeng Kim ay naghahasik ng kaguluhan sa ibang bansa – upang mabaling mula sa napakalaking kabiguang dinaranas nila sa sariling bayan.

Mula sa tinatawag na armistice, may ilang daang pag-atake ang North Korea sa mga Amerikano at mamamayan ng South Korea. Kasama ng mga pag-atakeng ito ang pagdakip at pagpapahirap sa mga magigiting na sundalong Amerikano ng USS Pueblo, paulit-ulit na paglusob ng mga helicopter ng Amerika at pagbagsak ng isang eroplano ng U.S. Pueblo noong 1969 kung saan 31 Amerikanong sundalo ang nasawi. Gumawa ang rehimeng ito ng maraming mapanganib na paglusob sa South Korea, mga tangkang pagpatay sa mga matataas na pinuno, umatake sa mga barko ng South Korea at labis na pagpapahirap kay Otto Warmbier na ikinamatay din ng mabuting binata.

Sa buong panahong iyon, ipinursige ng rehimen ang armas nuklear na may hibang na pag-asang kaya nilang mag-blackmail patungo sa kanilang layunin. Hindi natin papayagan ang layuning iyan. Ang buong Korea ay nasa ilalim ng layuning iyan, hinati sa dalawa. Hindi papayagan ng South Korea na mangyari ang binabalak ng North Korea.

Nilalayon ng rehimeng North Korea ang kanyang nuklear at ballistic missile programs sa pagsuway sa bawat kasunduan, at pangakon sa Estados Unidos at mga kakampi niya. Nilabag nito ang lahat ng mga pangako. Pagkatapos mangakong ititigil ang programang plutonium noong 1994, nakamtan niya ang mga benepisyo ng kasunduan at pagkatapos – kaagad ipinagpatuloy ang ipinagbabawal na gawaing nuklear.

Noong 2005, pagkatapos ng mga taon ng diplomasiya, sumang-ayon ang diktadura na lisanin ang kanyang programang nuklear at bumalik sa Treaty on Non-Proliferation. Pero hindi nila ginawa ito. Ang mas masama, sinubukan nila ang mismong sandatang isusuko raw nila. Noong 2009, sumubok na makipagkasunduan ulit ang Estados Unidos, at inalok ulit ang North Korea ng areglo. Sumagot ang rehimen sa pagpapalubog ng isang South Korean Navy ship, na ikinamatay ng 46 na Koreanong mandaragat. Hanggang sa araw na ito, itinutuloy nilang maglunsad ng mga missiles sa ibabaw ng teritoryo ng Japan at mga ibang malapit na bansa, sumusubok ng mga nuklear na kagamitan, at gumagawa ng mga ICBMs na nagbabanta mismo sa Estados Unidos. Ang tingin nila sa kahinahunan ng Amerika noon ay isang kahinaan. Ito ay isang nakamamatay na pagkakamali. Ito ay naiibang administrasyon kumpara sa Estados Unidos noon.

Ngayong araw, umaasa akong magsalita hindi lamang para sa mga bansa natin, pero para sa lahat ng mga sibilisadong bansa, kapag binabanggit ko ang North Korea: Huwag niyo kaming maliitin, at huwag niyo kaming subukan. Ipagtatanggol namin ang aming mga seguridad, ang aming pinagkakaisang kaunlaran, at ang aming banal na kalayaan.

Hindi namin piniling gumawa ng linya dito, sa tangway na ito – (Palakpakan) – itong napakagandang tangway na ito – ng isang linya ng sibilisasyon na namumuhay sa mundong ito at umuunlad. Pero dito ginawa ang linya, at mananatili ito. Ito ang linya na namamagitan sa kapayapaan at digmaan, sa pagitan ng kabutihan at kasamaan, sa pagitan ng batas at diktadura, sa pagitan ng pag-asa at pagwalang bahala. Ito ang linya na ginawa ng maraming beses, sa maraming lugar, sa buong kasaysayan. Pinili ng maraming malayang bansa na ipagtanggol ang linyang iyan. Magkasabay nating natutunan ang malaking kapalit ng kahinaan at ang pangangailangan para ipagtanggol ito.

Ang mga sundalo ng Amerika nagbuwis ng kanilang buhay para lumaban sa Nazism, imperyalismo, komunismo, at terorismo.

Hindi naghahanap ng gulo o giyera ang Amerika, ngunit hindi kami umaatras diyan. Maraming kuwento ng kasaysayan ang mga rehimeng nagkamaling sumubok sa Amerika.

Sinumang nagdududa sa lakas at determinasyon ng Estados Unidos ay dapat tumingin sa ating kasaysayan, at siguradong hindi ka magdududa. Hindi natin pahihintulutang may sumalakay o mag-blackmail sa Amerika at sa mga kakampi natin. Hindi natin papayagang takutin ng pagkawasak ang mga lungsod ng Amerika. Hindi tayo matatakot. At hindi natin papayagan na maulit ang mga masasamang pangyayari sa kasaysayan, sa lupaing ito, kung saan lumaban at namatay tayo para ipagtanggol. (Palakpakan.)

Kaya ako nandirito ngayon, sa sentro ng isang malaya at maunlad na Korea, na may mensahe para sa mga bansa sa mundong nagmamahal sa kapayapaan: Tapos na ang panahon ng palusot. Ngayon na ang panahon ng lakas. Kung gusto mo ng kapayapaan, kailangan mong laging maging malakas. (Palakpakan.) Hindi papayagan ng mundo ang kasamaan ng isang pasaway na rehimeng nananakot sa pamamagitan ng armas-nuklear.

Dapat magsanib-puwersa ang lahat ng mga responsableng mga bansa para labanan ang masamang rehimen ng North Korea – para hindian ito sa kahit anong bagay – kahit anong bagay. Huwag kayong sumuporta, huwag kayong magbigay ng suporta, huwag kayong tumanggap ng suporta. Tinatawagan natin ang lahat ng mga bansa, kasama na ang China at Russia, na itaguyod ng buo ang U.N. Security Council resolutions, i-downgrade ang relasyong diplomatiko sa rehimen, at putulin lahat ng pakikipag-ugnayan sa kalakalan at teknolohiya.

Responsibilidad at tungkulin nating magkasamang humarap sa panganib na ito – dahil kapag pinatagal pa natin ito, lalong lumalala ang panganib, at lalong nababawasan ang ating mga pagpipilian. (Palakapakan.) At sa mga bansang piniling hindi isawalang-bahala ang panganib nito, o mas malala pa, na tulungan ito, ang kalalabasan ng krisis na ito ay nasa konsiyensiya ninyo.

Pumunta rin ako sa tangway na ito upang magpadala ng isang mensahe sa pinuno ng diktadura ng North Korea: Hindi ka kayang ipagtanggol ng mga sandatang binibili mo. Higit lalong napapahamak at nanganganib ang rehimen mo. Ang bawat hakbang mo patungo sa madalim na daan ay lalong magpapahamak sa iyo.

Ang North Korea ay hindi ang paraisong pinaplano ng lolo mo. Ito ay isang impiyernong hindi dapat ibigay sa kahit sino. Kahit na gumawa ka ng krimen laban sa Diyos at tao, handa pa rin kami mag-alok, at gagawin namin iyan- aalukin ka namin ng isang daan patungo sa higit na mabuting hinaharap. Nag-uumpisa ito sa katapusan ng agresyon ng iyong rehimen, sa pagtigil sa paggawa ng mga ballistic missiles, at isang buong, kumpletong, at nakikita namin ang puweba, na pagtigil mo sa paggamit ng nuklear na armas. (Palakpakan.)

Kapag tumingin tayo sa tangway na ito mula sa himpapawid, makikita natin ang bansa sa timog na punong-puno ng magagandang ilaw, ngunit isang buong madilim na bansa sa hilaga. Naghahanap tayo ng isang kinabukasan na puno ng liwanag, kaunlaran, at kapayapaan. Pero handa lang tayong pag-usapan ang maliwanag na daan na ito para sa North Korea kung itigil ng mga pinuno nito ang mga pagbabanta at kakalasin nila ang kanilang programang nuklear.

Ang napakasamang rehimen ng North Korea ay tama lamang sa isang bagay. Talagang may magandang kinabukasan ang mga mamamayan ng Korea, ngunit mali sila sa inaakala nilang kinabukasang gusto nila. Ang totoong kinabukasan ng mamamayan ng Korea ay hindi para magdusa sa pagkaalipin at kalupitan, ngunit para mamuhay sa dakilang karangalan ng kalayaan. (Palakpakan.)

Ang mga naging tagumpay ng South Korea sa tangway na ito ay hindi lang tagumpay para sa bansa ninyo. Ito rin ay tagumpay ng bawat bansang naniniwala sa diwa ng tao. Pangarap namin, sana balang araw, na maranasan ng mga kapatid ninyo sa North ang kumpletong buhay na gustong ibigay ng Diyos.

Ipinapakita ng republika ninyo ang lahat ng pwedeng mangyari. Sa loob lamang ng ilang dekada, , inangat ninyo ang bansang ito mula sa kahirapan papunta sa kaunlaran, kayamanan, mayaman sa kultura, at buo sa diwa dahil sa kasipagan, katapangan, at talento ng inyong mga mamamayan. Gumawa kayo ng tahanan kung saan pwedeng umunlad ang lahat ng pamilya at pwedeng umasenso at maging masaya ang lahat ng kabataan,

Nananatiling malakas at matibay ang Korea sa komunidad ng mga malaya, panatag, at mapagmahal sa kapayaan na mga bansa. Tayo ay  mga bansang ginagalang ang ating mga mamamayan, minamahal natin ang kalayaan, binibigyang halaga ang ating gobyerno, at namamahala sa ating hinaharap. Ginagalang natin ang dignidad ng bawat tao at tinatanggap natin ang potensyal ng bawat nilalang. At palagi tayong handang ipangtanggol ang mga mahahalagang bagay para sa ating mga mamamayan laban sa mga masasamang ambisyon ng mga diktador.

Magkakasama, mangarap tayo ng isang Koreang malaya, isang ligtas na tangway, at mga pamilyang magkakasamang-muli. Mangarap tayo ng mga highway na nagkakabit ng North at South, ng mga pinsang nagyayakapan, at mapalitan ang bangungot na nuklear ng isang magandang pangako ng kapayapaan.

Hanggang mangyari ang araw na iyon, mananatili tayong malakas at handa. Nakatutok ang ating mga mata sa hilaga, at ang mga puso natin ay nagdarasal para dumating ang araw na ang lahat ng mga Koreano ay namumuhay nang malaya. (Palakpakan.)

Salamat. (Palakpakan.) Pagpalain kayo ng Diyos. Pagpalain ang Korea ng Diyos. Maraming salamat sa inyong lahat. Salamat. (Palakpakan.)


Ibinibigay ang pagsasaling ito bilang isang serbisyo at ang orihinal na pinanggalingang Ingles lamang ang dapat na isaalang-alang bilang awtoritatibo.
Mga Update sa Email
Mangyaring ibigay ang iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa ibaba para makapag-sign up para sa mga update o para maakses ang iyong kagustuhan sa pag-subscribe.